1 patay, 9 sugatan sa pamamaril sa Makati
MANILA, Philippines - Patay ang isang binata habang siyam na kasamahan nito ang malubhang nasugatan matapos paulanan ng bala ng kalaban nilang grupo na hinihinalang mga miyembro ng isang drug syndicate, kahapon ng madaling-araw sa Makati City.
Dead on arrival sa Makati Medical Center ang biktimang si Jesus Garcia, 22, ng Brgy. Pio Del Pilar ng naturang lungsod, sanhi ng tinamo nitong ilang tama ng bala sa katawan.
Nilalapatan naman ng lunas sa naturang pagamutan ang mga sugatang biktima na sina Michael Bagang, 32; Jay Sapanta, 28; Chistopher Yvan; Jad Jerome, 31; Mark Joseph Canda, 24; Arnel Manalansan, 32; Juan Carlos Zamora, 34; Oliver Agbayani at Chris Ivan Paulino, 18, pawang taga Makati.
Sa isinumiteng report ni SP02 Nilo Sadsad, ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) kay Senior Supt. Ernesto Barlam, hepe ng Makati City Police, naganap ang insidente alas-12:45 ng madaling-araw sa kahabaan ng Taylo St., Brgy. Pio Del Pilar ng naturang lungsod.
Nabatid na nag-iinuman ang mga biktima nang biglang dumating ang isang sport utility vehicle (SUV) na walang plaka sakay ang isang grupo ng mga kalalakihan na armado ng ibat-ibang uri ng kalibre ng baril at walang salitang pinaulanan ng bala ng mga suspek hanggang sa duguang nagsihandusay.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na nagsitakas ang mga suspek at ang sampung biktima naman ay mabilis na isinugod sa naturang ospital, subalit si Garcia ay hindi na umabot ng buhay.
Sa nakalap na impormasyon ng pulisya, ang mga suspek ay pawang miyembro umano ng isang drug syndicate na kalabang grupo umano ng mga biktima kung saan may matagal ng alitan ang mga ito.
Naka-recover ang mga awtoridad sa pinangyarihan ng insidente ng mga bala ng M-16 rifle at kalibre .45 baril.Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ukol dito.
- Latest