2 sugatan sa pamamaril ng tandem
MANILA, Philippines - Malubhang nasugatan ang isang lalaki matapos itong pagbabarilin ng riding-in tandem suspects kung saan tinamaan din ng ligaw na bala ang isang 16-anyos na binatilyo, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Ginagamot sa Pasay City General Hospital (PCGH) ang biktimang si Sonny Ballan, 34, na nagtamo ng tatlong tama ng bala ng kalibre .45 baril sa katawan.
Samantala, nilalapatan din ng lunas sa naturang ospital ang nadamay na si Roldan Joson, 16, na nagtamo naman ng tama ng bala sa kaliwang hita.
Mabilis namang tumakas ang mga suspect na kapwa nakasuot ng helmet at lulan ng isang kulay itim na Kawasaki.
Base sa report na nakarating sa tanggapan ni Senior Supt. Sidney Hernia, Officer-In-Charge (OIC) ng Pasay City Police, naganap ang insidente alas-2:10 ng madaling-araw sa Orion St., Brgy. 67, Zone 8 ng naturang lungsod habang naglalaro ng pool ang mga biktima sa naturang lugar nang biglang sumulpot ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo.
Dito na pinagbabaril ng isa sa suspek ang naglalarong si Ballan, na minalas namang tinamaan ng ligaw na bala si Joson. Blangko pa ang pulisya sa motibo ng pamamaril habang isinasagawa pa ang masusing imbestigasyon sa insidente.
- Latest