Sunog sa Makati: 4 sugatan
MANILA, Philippines – Apat katao kabilang ang isang bumbero ang nasugatan sa sunog na naganap kahapon ng madaling-araw sa Makati City.
Kinilala ni Senior Fire Officer 3 Wilfredo Nardo, arson investigator ng Makati City Fire Department ang mga biktimang sina Roberto Alba, 60; misis nitong si Evangelene, 57; Ramon Llomos, 48 at SFO3 Elpedio Igid.
Ayon kay SF03 Nardo, nagsimula ang sunog alas-12:55 kahapon ng madaling-araw sa paupahang bahay na kinabibilangan ng 29 na kuwarto na pag-aari ni Antonio Martin Locsin na matatagpuan sa Saint Paul St., Barangay San Antonio Village ng naturang lungsod.
Biglang sumiklab ang apoy sa isang paupahang kuwarto at dahil sa gawa ito sa light materials mabilis na kumalat ang apoy sa mga kalapit kuwarto. Dahil sa insidente sugatan ang mga tenants, kabilang ang mag-asawang Alba, Llomoso at ang isa sa mga rumespondeng bumbero na si SF03 Igid.
Tinatayang nasa P500,000 ang mga ari-ariang napinsala at iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung ano ang pinagmulan nang pagsiklab ng apoy.Ala-1:50 ng madaling-araw idineklarang fire-out na ang sunog na umabot sa ikatlong alarma.
- Latest