Pamamaril ng tandem: 2 sugatan
MANILA, Philippines – Dalawa katao ang sugatan kabilang ang isang 14-anyos na binatilyo matapos mamaril ang riding-in-tandem kahapon ng madaling-araw sa Pasay City. Kapwa ginagamot sa Pasay City General Hospital (PCGH) ang dalawang biktima na sina Jhon Louie Gaboy, 14; at Roderick Javier, 33.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Rodolfo Soquina, ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Pasay City Police, naganap ang insidente alas-4:30 ng madaling-araw sa panulukan ng Park Avenue at Primero de Mayo St. ng nasabing lungsod.
Kasalukuyang nakatayo at nagkukuwentuhan ang dalawang biktima sa harap ng isang tindahan ng nasabing lugar nang biglang sumulpot ang dalawang lalaki na magka-angkas sa motorsiklo at walang sabi-sabing nagpaulan ng putok ng baril kung saan tinamaan sina Gaboy at Javier. Nang kapwa duguang bumulagta ang dalawang biktima ay mabilis na tumakas ang mga ito sa hindi mabatid na direksyon.
Ayon kay Chairwoman Angelina Cardinal, ng Brgy. 88 Zone 9, may nakakita sa pagsulpot at sa ginawang papamaril ng mga suspek na naka-motorsiklo na may plakang BEK-138 Hindi pa masabi ng pulisya kung ang dalawang biktima ay target ng mga suspek.
Sa ngayon ay patuloy pa ring nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya at inaalam din kung mayroong nakalagay na close circuit television (CCTV) camera sa naturang lugar para sa pagkakakilanlan ng mga suspek.
- Latest