Positibong cocaine ang nasamsam sa miyembro ng ‘Sinaloa Drug Cartel’ – PDEA
MANILA, Philippines - Positibong cocaine ang nakumpiskang iligal na droga sa Mexican national na si Horacio Hernandez, miyembro ng ‘Sinaloa Drug Cartel’, matapos ang laboratory examinations na ginawa sa nasabing ebidensya, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kahapon.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. sa chemistry report mula sa PDEA Laboratory Service, lumabas na ang iligal na droga na nasa loob ng 10 transparent plastic bags, ay tumitimbang ng 2,265 grams.
Aniya, ang mga bag ng cocaine ay nasamsam mula kay Hernandez, 39, tubong Mexico City sa isang buy-bust operation ng PDEA Special Enforcement Service (PDEA-SES), PNP-AIDSOTF at Makati City Police sa harap ng Korean BBQ restaurant sa Makati Avenue, Brgy. Poblacion, Makati City noong nakaraang January 11, 2015.
Ayon sa ulat, si Hernandez ay isang mataas na miyembro ng ‘Sinaloa Drug Cartel’, ang itinuturing na powerful international drug trafficking organization na naka-base sa Mexico City.
Ang ‘Sinaloa Drug Cartel’ ay matatagpuan sa Southeast Asia, partikular sa Pilipinas, na posibleng merkado at transshipment point ng shabu, dahil sa mga katubigang nakapalibot dito.
Si Hernandez ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Article II of Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, sa korte, habang nasa kostodiya ng PDEA-SES.
- Latest