Airport police nagpilit lumapit sa motorcade ni Pope Francis, arestado
MANILA, Philippines - Isang airport police ang dinakip matapos magpumilit na makalapit sa motorcade ni Pope Francis nang dumating ito, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Nasa custody ngayon ng Pasay City Police at nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek na si Corporal Virgilio Perez, 61, na nakatalaga sa Manila International Airport Authority (MIAA) ng Airport Police Department at naninirahan sa Brgy. San Roque ng naturang siyudad.
Sa report na natanggap ni Senior Supt. Sidney Sultan Hernia, hepe ng Pasay City Police, alas-6:30 ng gabi nang madakip si Perez sa kahabaan ng Domestic Road tapat ng PAL Ticketing Office nang nasabing lungsod.
Nabatid na sinita umano nina Inspector Elijah Edison Romero Yumul at SPO2 Willie Alejo ng Capas Police Station ang suspek dahil sa nagpupumilit na makalapit sa convoy ng Santo Papa habang ito ay patungo sa Roxas Boulevard.
Agad na hinarang ng mga awtoridad si Perez na may bitbit na kulay itim na backpack na kung saan naglalaman ng isang 9mm service firearms, magazine at 14 na bala.
Dahil dito agad na dinala sa tanggapan ng SIDMB si Perez upang isailalim sa masusing imbestigasyon.
Nabatid na si Perez ay hindi awtorisadong magdala ng baril sa nasabing lugar dahil hindi umano ito naka-duty at hindi nakasuot ng uniporme, kung kaya’t dahil dito ay sasampahan siya ng naturang kaso.
- Latest