Lapnos ang ari misteryosong pagkamatay ng preso, binubusisi
MANILA, Philippines - Misteryoso pa ang sanhi sa pagkamatay ng isang 59-anyos na preso na sinasabing nahirapan lamang huminga kaya isinugod sa ospital, subalit nakitaan naman ng mga lapnos sa kanyang ari pababa sa hita sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang biktimang si Armando Ramos, residente ng Quiapo, Maynila.
Sa ulat ni SPO3 Jonathan Bautista kay Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-4:15 ng hapon kamakalawa nang mahirapan umanong huminga ang biktima kaya isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC), kung saan siya idineklarang dead-on-arrival.
Nang busisiin ang bangkay, napansin ang kakaibang pamamaga at sariwang mga lapnos at lumolobong balat ng biktima, partikular mismo sa kanyang ari.
Dahil dito, mas malalimang imbestigasyon ang isasagawa ng MPD-Homicide Section at posibleng isalang din sa awtopsiya upang matukoy kung may dapat papanagutin sa pagkamatay nito, habang ito ay nasa kustodiya o detention cell ng MPD-station 3.
Isa sa inaalam kung tinorture ang biktima na pinaniniwalaang binuhusan ng kumukulong tubig ang ari. Napansin din umano na may takure o initan ng tubig sa loob ng jail nang imbestigahan kung saan ito nakapiit.
Nabatid na ang biktima ay inaresto ng mga tauhan ng MPD-station 3 noong nakalipas na buwan sa isang kubo sa tabi ng Pasig River na sakop ng Carlos Palanca St. sa aktong gumagamit ng iligal na droga.
- Latest