2 malubha sa tumagas na ammonia
MANILA, Philippines – Malubha ang kondisyon ngayon ng dalawang babae makaraang mawalan ng malay matapos na sumingaw ang nakakalasong ammonia sa pinapasukang gusali sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Isinugod sa Tondo General Hospital ang mga biktimang nakilalang sina Marivic Apatog at Emmie Derder, tauhan ng C-3 Vifel Storage Building sa may C-3 Road, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, nabatid na maghapong naamoy ng mga tauhan ng naturang kompanya ang masangsang na amoy nitong nakaraang Martes na nagmumula sa storage area. Dakong alas-7 ng gabi nang madiskubre ang mga walang malay na biktima na sina Apatog at Derder malapit sa tubo kung saan nagmumula ang tagas ng ammonia.
Agad na isinugod ng mga kasamahan sa trabaho ang mga biktima sa pagamutan at iniulat ang insidente sa Police Community Precinct 3 ng Navotas Police na siya namang humingi ng responde buhat sa Bureau of Fire Protection-Navotas.
Nabatid na kinumpuni na ng mga tauhan ng kompanya ang naturang tagas habang nagsasagawa naman ng malalimang imbestigasyon ang pulisya sa insidente.
Inaasahan naman na sasagutin ng kompanya ang gastos sa pagamutan ng mga empleyadong nabiktima ng naturang tagas.
- Latest