Hitman, tipster timbog sa checkpoint
MANILA, Philippines – Tsamba man ay itinuturing na nakapagligtas nang buhay ang inilatag na checkpoint ng mga tauhan ng Delpan Police Community Precinct (PCP) ng Manila Police District-station 2 nang madiskubre nila sa text messages ng sinitang motorista na isa itong ‘hitman’ at may itutumba sana ito kahapon ng umaga.
Unang nadakip sa inilatag na checkpoint si Rafael Nepa, 33, ng Purok 3, Isla Puting Bato, Tondo; habang itinuga at nadakip sa follow-up operation ang kasabwat nito na si Joven Villanueva, 35, ng Purok 2, Isla Puting Bato.
Sa ulat ni Delpan PCP commander, Chief Inspector Johnny Guiagui kay Supt. Jackson Tuliao, hepe ng station 2, dakong alas-5:30 ng umaga nang maglatag ng checkpoint ang kanilang grupo sa panulukan ng Zaragosa at Kagitingan Sts. sa Tondo.
Naagaw lamang umano ang pansin nila nang makitang pabalik-balik ang Fino Yamaha 8496 QW na minamaneho ni Nepa kaya sinita nila ito.
Doon nadiskubre na may itinatagong baril sa beywang si Nepa at nang tingnan ang hawak nitong cellphone ay doon nabasa ng mga pulis ang mensahe na may kinalaman sa itutumbang isang alyas Bobot, na bise presidente umano ng Porters’ Association.
Nang makipagpalitan ng mensahe ang mga pulis gamit ang cellphone ni Nepa, doon natunton at nadakip din sa follow-up operation ang kasabwat na tumatayong ‘tipster’ para sa pag-atake sa ipinapapatay.
Sa huli ay natuklasang positibong may itutumba na nagngangalang si Rodolfo Abierra, alyas “Bobot”, 62, ang mga suspect ito inimbitahan sa himpilan ng pulisya.
Depensa ng mga suspek, hoholdapin lamang nila ang biktima.
- Latest