Naagnas na bangkay nadiskubre
MANILA, Philippines – Bunsod ng masangsang na amoy, natuklasan ang naagnas na bangkay ng isang lalaki na hinihinalang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa kanyang sarili sa loob ng kanyang bahay sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ang biktima ay kinilalang si Rejil Labanon, 25, ng #28 Unit-D, Mayami St., Upper Bernardo compound, Brgy. Pasong Tamo sa lungsod.
Ayon kay SPO2 Pascual Fabreag, may-hawak ng kaso, si Labanon ay natuklasan ng isang Eduardo Mojico matapos na maka-amoy ng masansang mula sa loob ng bahay nito, ganap na alas 8:30 Biyernes ng umaga.
Nang silipin ni Mojico mula sa bintana ang loob ng bahay ay saka niya nakita ang biktima habang naka-upo sa isang bangko ng sala nang walang buhay.
Agad na humingi ng tulong sa barangay si Mojico para tignan ang kalagayan ng biktima. Nang buksan ang pinto ay saka nabatid na ang biktima ay naagnas na saka tumawag ng pulis para sa pagsisiyasat.
Sa ginawang pagsisiyasat ng otoridad, natuklasan na ang biktima ay may tama ng bala sa gawing itaas ng kanang tenga nito, habang nasa tabi nito ang isang kalibre 22 na baril.
Sinasabing nitong December 29, 2014 ng alas 9 ng gabi ay isang residente ang nakarinig umano ng putok ng baril sa gawing bahay ng biktima, pero binalewala lamang niya ito.
Huli umanong nakitang buhay ang biktima ng alas 8 ng gabi nang nasabi ring petsa.
Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing insidente.
- Latest