Sa pagsalubong sa bagong taon 150,000 pulis, inilagay sa high alert
MANILA, Philippines - Sa pagnanais na maging ligtas ang publiko ngayong holiday season, inilagay ni Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas sa high alert status ang may 150,000 personnel ng Philippine National Police (PNP).
Sa kautusan mula kay Police Deputy Director General at officer-in-charge Leonardo Espina, nagsagawa ng serye ng operasyon mula December 16 ang PNP bilang paghahanda para sa holiday season, kabilang ang pagdadagdag ng pulis sa mga pangunahing lugar tulad ng mga mall at mga terminal.
Mahigpit din anyang ipapatupad ang batas para sa pagbabawal sa mga loose firearms sa pamamagitan ng ‘Oplan Bakal’ at ‘Oplan Sita’ upang mapigilan ang anumang insidente sangkot ang stray bullet.
Nauna nang ipinatupad ang pagseselyo ng mga baril ng mga pulis upang mapigilan ang mga pasaway sa paggamit nito sa pagdiriwang ng Bagong Taon.
Ang mga pinaghihinalaang retailers at owners ng mga iligal na paputok ay paparusahan base sa Republic Act no. 7138, na naglalayong kontrolin at iregulate ang paputok at iba pang pyrotechnic devices.
Nangako naman si Espina na ipapatupad nito ang batas upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa nasabing pagdiriwang.
- Latest