Murder case vs motoristang nakasagasa sa MMDA enforcer
MANILA, Philippines - Iaakyat ngayong Lunes sa kasong “murder” ang kasong “reckless imprudence resulting to homicide” na isinampa sa isang motorista na nakasagasa at nakapatay sa isang traffic enforcer sa Cubao, Quezon City kamakailan.
Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino na agad na ihahain ng kanilang mga abogado ang pagpapataas sa kasong murder sa Quezon City Prosecutor’s Office laban kay Mark Ian Libunao.
Ito ay makaraang tuluyang masawi ang traffic enforcer na si Sonny Acosta na kahapon ay ipina-cremate na ng kanyang mga kaanak sa Floresco Heritage Memorial Park sa Malabon City.
Ayon kay Tolentino, kailangang panagutan ni Libunao ang ginawa nito kay Acosta na ginagawa lamang ang tungkulin bilang tagapagpatupad ng batas trapiko.
Hindi umano niya maisip kung bakit nagawa ito ni Libunao gayung naging magalang pa at sumaludo pa umano si Acosta sa kanya nang parahin ito lulan ng isang SUV (Sports Utility Vehicle) nang pumasok sa yellow lane sa EDSA noong Disyembre 19.
Ikinalulungkot ni Tolentino na sa kabila ng mga nakasaksi at nangyari kay Acosta, hindi pa rin inaamin ni Libunao ang pagkakasala tanda ng kawalang respeto nito sa batas.
Nanawagan naman si Tolentino sa publiko partikular sa mga motorista at pedestrian na pagsapit ng Bagong Taon ay manguna sa nais nilang baguhin ang respeto sa isa’t isa, respeto sa kalsada, at respeto sa batas trapiko.
- Latest