Vendors sa mga footbridge, inireklamo
MANILA, Philippines - Mariing inireklamo kahapon ng mga mananakay sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang magkabilang hilera ng mga ambulant vendor sa isa sa mga pinagawang footbridge ng ahensiya sa Parañaque City.
Nabatid na hindi na halos makadaan ang mga commuter ng Southwest Integrated Provincial Transport Terminal sa Coastal Mall sa Parañaque City dahil ang kaliwa’t kanang bahagi ng footbridge maging sa may hagdanan ay sinakop na ng mga nakalatag na paninda mula sa mga illegal sidewalk vendor. Hinaing ng mga mananakay kung bakit hinayaan ng MMDA na magkaroon ng mga vendor sa naturang footbridge gayong ginawa ang naturang tulay para daanan ng mga tao.
Naniniwala naman ang ilan na hindi ito pinayagan ng MMDA kundi posibleng pinahintulutan ito ng barangay.
Pakiusap ng publiko sa MMDA, na magpatupad ng kaayusan at kalinisan sa naturang lugar at kung maari aniya ay pabantayan o maglagay ng kanilang tauhan na magbabantay dito upang maiwasan din ang posibleng insidente ng snatching o hold-up.
- Latest