2 rider niratrat, 1 pa nadamay
MANILA, Philippines - Kritikal ang dalawang lalaking magkaangkas sa isang motorsiklo habang isa pa ang tinamaan ng ligaw na bala sa naganap na pamamaril sa may MacArthur Highway, kamakalawa ng madaling-araw sa Valenzuela City.
Isinugod sa Valenzuela City Medical Center ang mga biktimang sina Arvin Nuñez Bernales, 22, waiter, at Richard Layugan Marcillana, 27, habang nakaratay naman ngayon sa Jose Reyes Memorial Hospital ang 18-anyos na si Paolo Gayo, ng Area 3, Brgy. Karuhatan, Valenzuela na tinamaan ng ligaw na bala.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-3:45 ng madaling-araw sa may MacArthur Highway sa Brgy. Karuhatan.
Ayon sa mga motoristang saksi, bigla na lamang silang nakarinig ng sunud-sunod na putok ng baril at nakitang sumemplang ang motorsiklong kinalululanan nina Marcillana at Bernales.
Agad namang sumaklolo ang mga opisyal ng barangay sa lugar at sinaklolohan ang dalawa.
Napansin rin naman ng mga tanod si Gayo na duguan sa gilid ng kalsada na tinamaan ng ligaw na bala kaya agad ring isinugod sa pagamutan.
Tinukoy ng mga saksi na isang itim na Yamaha Mio ang kanilang nakitang humaharurot sa pagtakas matapos na makarinig ng putok ng baril.
Narekober sa lugar ng krimen ang 12 basyo ng bala, at dalawang slug buhat sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril. Blangko naman ang pulisya sa motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin. ()
- Latest