Presong ‘sakit ng ulo’, pinalaya
MANILA, Philippines - Matapos magbigay ng matinding kunsumisyon sa Caloocan City Police, napalaya rin ang presong naglaslas ng leeg gamit ang basag na bote sa loob ng selda makaraang iatras ng misis nito ang kaso laban sa kanya.
Tinangka pang isampa ng mga tauhan ng Caloocan Station Investigation and Detective Management Branch kamakalawa ang kasong alarm and scandal laban kay Evanizer Rubinas, ng Maypajo, Brgy. 36, ngunit hindi na ito tinanggap ni Assistant City Prosecutor Dennis Oraya.
Matatandaan na inaresto si Rubinas nitong Disyembre 22 makaraang ihostage ang 10-taong gulang na anak na babae gamit ang isang basag na bote. Nang nasa loob ng selda ng SIDMB, nakakuha ng bote si Rubinas, binasag saka ginamit na panglaslas sa sariling leeg.
Sa kabila ng kritikal na kondisyon, naisalba naman ang buhay nito ng mga manggagamot sa Caloocan City Medical Center. Ngunit dahil sa insidente, nagpasya ang live-in partner ni Rubinas na si Ma. Cristina Mange na iatras na lamang ang kaso.
Bilang bahagi naman ng “standard operating procedure (SOP)”, inihanda pa rin ng pulisya ang mga dokumento ng kaso laban kay Rubinas at isinampa sa piskalya ngunit ibinasura ni Oraya dahil sa pag-atras na ng misis nito. Wala nang nagawa ang mga pulis kundi palayain ang suspek na si Rubinas at makasama ang pamilya nitong Pasko.
- Latest