MMDA constable na kinaladkad ng sinitang SUV, pumanaw na
MANILA, Philippines – Pumanaw na kahapon ang traffic constable ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nabagok ang ulo matapos itong kaladkarin ng isang sports utility vehicle (SUV) sa Quezon City noong nakalipas na linggo.
Ayon sa pamunuan ng MMDA, alas-2:30 kahapon ng hapon nang bawian ng buhay ang biktimang si MMDA Traffic Constable Sonny Acosta dahil sa cardiac arrest habang nilalapatan ito ng lunas sa Saint Luke’s Medical Center.
Matatandaan na noong Disyembre 19 habang naka-duty si Acosta sa may Cubao, Quezon City, nabundol at kinaladkad ito nang sinita nitong isang pulang Isuzu Sportivo.
Nadakip naman ng mga kagawad ng Quezon City Police District (QCPD) sa isang follow-up operation ang driver na responsable sa aksidente.
Ayon sa MMDA, sinagot nila ang gastusin para maisalba lamang ang buhay ni Acosta, subalit sinamang palad na binawian din ito ng buhay. Sinagot din ng MMDA ang legal expenses laban naman sa driver ng kotseng nakadisgrasya kay Acosta.
- Latest