Sunog sa Valenzuela: P5-M ari-arian naabo
MANILA, Philippines – Tinatayang aabot sa P5 milyon halaga ng ari-arian ang naabo matapos masunog ang isang pabrika ng fish cracker sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Nabatid sa Bureau of Fire Protection (BFP) ng Valenzuela City, alas-7:00 ng gabi nang bigla na lamang sumiklab ang apoy sa malaking pugon na may lamang mantika na pinaglulutuan ng mga fish cracker sa loob ng Suntory Industrial Marketing Corporation na pag-aari ng isang negosyanteng Tsinoy na si William Chua, sa Maysan Road, Brgy. Maysan ng nasabing lungsod.
Dahil nagkalat ang mantika ay mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa madamay ang katabing bodega na imbakan naman ng mga de latang produkto at mga pansit.
Nahirapan naman sa pag-apula ng apoy ang mga bumbero dahil sa mga umano’y nakaimbak na kemikal.
Ideneklara itong fire-out alas-12:40 ng madaling araw kung saan wala namang napaulat na nasaktan o nasawi sa naturang insidente.
- Latest