50 katao huli sa mga baril at pampasabog
MANILA, Philippines - Nasabat ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang may 50 kalalakihan na sakay ng mga bangka mula sa Taguig City na ibinaba sa Manila South Harbor at kargado ng mga baril at pampasabog, kahapon ng hapon.
Sa sketchy report, ang mga inaresto ay kabilang sa mga kalalakihang nakipagbarilan sa mga awtoridad bago pa man masakote ng grupong pinamumunuan ni P/Chief Inspector Dennis Wagas, sa isinagawang responde dakong alas-2:00 ng hapon kahapon.
Gayunman, hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag si Wagas, na nagkumpirma lamang na ang mga dinakip ay pawang kalalakihan na nahulihan ng mga baril at pampasabog.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ang mga inaresto na nakapiit na sa MPD.
Sa panig naman ng mga inaresto, sinabi nila na sila ay ni-recruit lamang ng hindi nila kakilalang tao para sa trabaho na hindi nila alam kung ano.
“Wala kasi kaming mga trabaho kaya nung sinabi na isasama kami para sa job hiring sumama kami at nagulat na lang kami kasi iniwan kami sa ere nung mga taong nagsakay sa amin sa bangka, kasi hinabol na sila nung nakipagbarilan sila.”
Pawang mga residente ng Maharlika Village sa Taguig City ang mga suspek habang ibineberipika pa ang mga impormasyon na sila ay nire-recruit ng armadong grupo na maghahasik ng kaguluhan sa Maynila.
- Latest