17 kalye sa Maynila, pinaiiwasan
MANILA, Philippines - Pinayuhan ni Manila Vice Mayor Isko Moreno ang publiko at motorista na iwasan ang 17 kalye sa lungsod bunsod na rin ng inaasahang pagsisikip ng daloy ng trapiko dahil sa Christmas season.
Sinabi ni Moreno na ito lamang sa ngayon ang maitutulong ng lungsod sa publiko at motorista upang makaiwas sa masikip ng daloy ng trapiko kung saan nasasabay pa ang pagdagsa ng mga mamimili sa malls at ibang shopping centers.
Kabilang sa mga lugar na dapat iwasan araw-araw ay ang kahabaan ng C.M. Recto mula Rizal Ave. hanggang Del Pan at kahabaan ng Abad Santos, mula Bambang hanggang Reina Regente St. sa Divisoria area; Jones Bridge hanggang Reina Regente St. sa Plaza Ruiz area; McArthur Bridge hanggang C.M. Recto sa Plaza Sta. Cruz area; Quezon Blvd., Morayta hanggang Quezon Bridge sa Quiapo area; Blumentritt/Aurora Blvd., V. Mapa Ext. hanggang Ramon Magsaysay Blvd. sa Sta. Mesa area at Roxas Blvd. at Osmeña highway.
Masikip din aniya ang daloy ng sasakyan sa R-10 Bonifacio Drive- P.Burgos, Ayala Blvd- San Marcelino, Romualdez- Pres. Quirino-Osmeña Highway dahil naman sa dami ng mga truck na dumaraan tuwing rush hours.
Paliwanag ni Moreno, makaraan ang Christmas season ay unti-unting maibabalik ang pagluwag ng daloy ng trapiko.
Samantala, nagsuot naman ng Santa Hat ang mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) kung saan pinayuhan ni Moreno na ipagpatuloy ang pagmamando ng daloy ng trapiko. Kailangan aniyang imentina ng mga traffic enforcers ang kanilang paggalang sa mga nasisitang motorista.
- Latest