Trader utas sa holdaper
MANILA, Philippines - Matapos mag-withdraw sa banko, patay ang isang 47-anyos na negosyante nang pagbabarilin ng isa sa tatlong kalalakihan na pawang nakasakay sa isang motorsiklo at tinangay pa ng mga suspek ang bag ng biktima na naglalaman ng halagang nasa P.1 milyon, kahapon ng umaga sa Pasay City.
Dead-on arrival sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Conrado Hernandez, may-ari ng isang restaurant at car rental, nagtamo ito ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa kalibre .45 baril.
Samantala, nagsasagawa pa ng follow-up operation ang pulisya hinggil sa insidente at inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Lumalabas sa inisyal na report na natanggap ni Senior Supt. Melchor Reyes, hepe ng Pasay City Police, naganap ang insidente alas-11:00 ng umaga sa Service Road ng Roxas Boulevard, tapat ng CCP Complex ng naturang lungsod.
Sa nakalap na impormasyon ng pulisya mula sa misis ng biktima na si Thelma, galing umano sa banko ang kanyang mister at nag-withdraw ng pambayad sana sa isang gasolinahan para sa kanilang car rental business.
Habang papatawid ang biktima sa naturang lugar ay bigla na lamang sumulpot ang isang lalaki, nilapitan ito at pinagbabaril, dahilan upang duguang bumulagta ang una.
Pagkatapos ay kinuha ng suspek ang bag ng biktima na may lamang cash na aabot sa P100,000.00, tablet at cellphone.
Dali-daling dinala sa naturang ospital ang biktima ng ilang taong naroroon, subalit hindi na ito umabot ng buhay.
Nabatid sa isang testigo, na hindi na binanggit ang pangalan, na may backup umano ang suspek na dalawa pang lalaki na nakasakay sa isang motorsiklo na hindi naplakahan.
Matapos ang pamamaril at pagnanakaw ay mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo.
Nakuha ng pulisya sa pinangyarihan ng insidente ang tatlong basyo ng bala ng kalibre .45 baril. Patuloy pa ring iniimbestigahan ang naturang insidente.
- Latest