PUJ vs motorsiklo: 15 sugatan
MANILA, Philippines - Aabot sa 15 katao ang nasugatan sa salpukan ng isang pampasaherong jeep at isang motorsiklo sa kahabaan ng Roosevelt Avenue sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Ayon sa Quezon City Police District Traffic Sector 1, sa kasalukuyan, inaalam pa ng mga imbestigador ang pangalan ng mga sugatang biktima na itinakbo sa magkakahiwalay na ospital.
Nangyari ang insidente ganap na alas-9 ng gabi habang binabaybay ng pampasaherong jeep na minamaneho ng isang Alberto Dades, 22, ang Roosevelt Avenue.
Pagsapit sa Osmeña St., ay bigla na lang sumalpok sa kanyang sasakyan ang isang motorsiklo na minamaneho ni Arnulfo Guillermo.
Sabi ng pulisya, tinangka pang iwasan ng PUJ ang motorsiklo subalit dahil mabilis ang pagharurot nito ay nagkabundulan din sila.
Matapos ang banggaan, direktang tumama ang PUJ sa street sign dahilan para mauga ang mga sakay nitong mga pasahero at masugatan.
Sugatan din ang driver ng motorsiko na si Guillermo na umaming nakainom siya ng alak habang nagbibiyahe.
Agad namang sinaklolohan ng rumispondeng rescue team ang mga biktima at isinugod sa magkakahiwalay na ospital para malapatan ng lunas.
Ang driver ng PUJ na si Dades na nagtamo rin ng sugat sa binti ay nasa kustodiya ngayon ng TS1 para sa pagsisiyasat.
- Latest