Malabon fire: 400 pamilya nawalan ng bahay
MANILA, Philippines - Malungkot na Pasko ang kakaharapin ng 400 pamilya lalo na ng mga paslit ngayong Disyembre makaraang tupukin ng malaking sunog ang kanilang mga tahanan, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Anim na residente naman ang nasaktan sa naturang sunog na nakilalang sina John Michael Aluntaga, 22; Roderick Cruz, 18, kapwa nakuryente; Nino Cruz, 35; Mark Anthony dela Cruz, 25; Ogie Basco, 17; at Rodel Mabuti, 38.
Sa ulat ng Malabon Fire Department, nag-umpisa ang apoy sa kisame ng dalawang palapag na bahay ng isang Lydia Espejo sa may C. Perez St., Brgy. Tonsuya dakong alas-8:47 ng gabi. Mabilis na kumalat ang apoy sa mga kalapit bahay na pawang yari sa light materials.
Umabot sa ikalimang alarma ang sunog na nagawang makontrol ng mga bumbero dakong alas-10:58 ng gabi.
Aabot naman sa P2 milyon ang halaga ng natupok na mga ari-arian sa naturang lugar. Lumikas naman ang mga apektadong residente sa Tonsuya covered court bilang pansamantalang evacuation site.
- Latest