Huli sa akto taxi driver na holdaper, timbog
MANILA, Philippines - Isang 31-anyos na taxi driver/holdaper ang nadakip ng mga tauhan ng pulisya makaraang maaktuhan ng nagpapatrulyang mobile patrol ang ginagawa nitong panghoholdap sa bahagi ng Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kalaboso na sa Manila Police District-Station 2 ang suspek na kinilalang si Jonathan Abad, residente ng Jesus St., Pandacan, Maynila. Minamaneho nito ang taxi na may plakang TIS 491.
Pormal na naghain ng reklamong robbery ang biktimang si Hajar Tajir, 32, dalaga, ng Valenzuela City. Kasama ni Tajir sa taxi nang siya ay holdapin, ang tiyahin na si Sarah, 54; pinsan na si Saviah, 31 at dalawang menor-de-edad na pamangkin.
Sa ulat ni MPD-Station 2 commander, Supt. Jackson Tuliao, dakong alas-4:30 ng madaling-araw kahapon nang maganap ang tangkang panghoholdap sa Quiricada St., Tondo.
Sa salaysay ni Tajir, sumakay sila sa nabanggit na taxi sa terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang magpahatid sa Yuseco St., sa Tondo, subalit pagsapit pa lamang sa Quiricada ay ipinarada ng suspect ang taxi sa madilim na bahagi ng kalye saka nagdeklara ng holdap at tinutukan ng patalim si Tajir.
Nagkataong rumoronda naman ang mobile car 362 na sinasakyan ng tatlong pulis na kinabibilangan ni Insp. Roberto Mangune at napansin ang komosyon sa nasabing taxi kaya agad itong nilapitan.
Agad na pinosasan ng mga pulis dahil sa reklamo ng mga pasahero. Narekober sa kanyang ang kitchen knife at ang isang tube pipe na nangangamoy pa umano ng marijuana na pinaniniwalaang ginagamit ng suspek sa kaniyang pagbibiyahe.
- Latest