Pinagkukutaan ng solvent boys, pinadedemolis
MANILA, Philippines - Inirekomenda ng Valenzuela City Social Welfare Development Office (CSWDO) na i-demolish na ang abandonado at dating pizza restoran na ginawa nang pugad ng mga ‘batang solvent’ at mga palaboy sa naturang lungsod.
Sa kahilingan ni Dorothy Evangelista, officer-in-charge ng CSWDO, dapat nang pormal na maideklarang “abandoned” at isailalim kaagad sa “condemnation” ang dating pizza restaurant sa gilid ng Fatima Medical Center sa may Brgy. Marulas, upang hindi na pamugaran ng mga batang solvent.
Nabatid na nasa walong menor-de-edad ang nadampot sa isinagawang pagsalakay ng CSWDO at Valenzuela Police nitong Nobyembre 25.
Ang mga dinampot na bata ay dating mga nakatira rin sa ‘Bahay Kalinga’ ng CSWDO na pinakawalan nang tubusin ng kanilang mga sariling pamilya ngunit bumalik naman muli sa pamumuhay sa kalsada. Sinabi ni Evangelista na muling ibabalik ang naturang mga bata sa Bahay Kalinga.
Kabilang din sa dinampot ang isang lalaki na ama ng dalawa sa mga batang nahuli. Plano umano ng lokal na pamahalaan na tustusan ang pagrenta nito sa isang disenteng tirahan at mabigyan ng trabaho.
Ang naturang pagsalakay ay bahagi ng kampanya para malinis sa iligal na droga ang lungsod at base na rin sa sumbong na dumarami ang mga batang solvent sa lungsod.
- Latest