Karpintero, minartilyo ang dalagitang anak
MANILA, Philippines – Sa halip na pako sa paggawa ng bahay ay ang kanyang sariling anak na 17-anyos na dalagita ang minartilyo ng isang karpintero sa loob mismong kanilang tahanan sa Marikina City kahapon ng hapon.
Nagtungo sa tanggapan ng Marikina City Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD)ang di na pinangalanang biktima upang ireklamo ang kanyang amang si Burgos Tuazon, 48, residente ng Barangay Sto. Niño, Marikina City.
Batay sa reklamo ng biktima, dakong alas-2:00 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng kanilang tahanan.
Sinasabing umuwi ang suspek nang mas maaga kumpara sa dati nitong uwi ngunit hindi nito naabutan ang biktima sa bahay, na siyang ikinagalit nito.
Hinanap ng suspek ang biktima sa mga kapitbahay at mga lugar na posibleng puntahan nito subalit hindi umano niya ito natagpuan.
Nang umuwi ang biktima ay kaagad pinagalitan ng suspek na nauwi sa pamumukpok ng martilyo sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Tinangka ng ina ng biktima na pigilan ang asawa sa pananakit sa anak ngunit hindi napigil ang suspek.
Natigil lamang ang pananakit nang rumesponde ang mga awtoridad, na tinawag ng mga kapitbahay na nakasaksi sa insidente.
Kaagad namang inaresto ng mga awtoridad ang suspek na nahaharap na sa kasong child abuse habang ang biktima ay isinugod sa pagamutan at nilapatan ng lunas dahil sa sugat at pasa sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na kanyang tinamo.
Sinasabing madalas na saktan ng suspek ang biktima sa tuwing sumusuway ito sa kanyang bilin na iwasan ang pakikipag-barkada at pag-alis ng bahay nang hindi nagpapaalam.
- Latest