IT consultant kritikal sa kawatan
MANILA, Philippines - Malubhang nasugatan ang 26-anyos na Tsinoy habang sugatan din ang ina nito makaraang hampasin ng magnanakaw gamit ang dumbbell sa loob ng kanilang bahay kamakalawa ng madaling-araw sa Valenzuela City.
Nagtamo ng malaking sugat sa ulo ang biktimang si Christopher Sy Co, 26, Information Technology consultant, ng Brgy. Arkong Bato St. habang isinugod naman sa Valenzuela General Hospital dahil sa sugat sa mukha ang nanay nitong si Virginia Sy Co.
Pinaghahanap naman ngayon ang suspek na si John Labitag “Bikol” Dugan, 20, tubong Casiguran, Sorsogon, helper at naninirahan sa Hernandez Compound, Bangcal, Meycauayan City, Bulacan.
Sa ulat ng pulisya, nagising si Christopher sa kaluskos na nanggagaling sa ikalawang palapag ng kanilang bahay kaya sinuri nito.
Naaktuhan ng biktima ang suspek na abala sa paghahalughog sa isa sa mga kuwarto. Subalit naunahan si Christopher ng suspek na pinalo ng dumbbell sa ulo habang sinapak naman sa mukha ang ina nito na si Virginia.
Matagumpay na nakatakas si Dugan bitbit ang mini-component at bag na naglalaman ng P3,500 cash.
Nagsagawa naman ng operasyon ang pulisya laban sa suspek na sinasabing nagtatago sa Bulacan.
- Latest