Wifi, cellphones ng big-time drug lord, inmates sa NBP, pinaiimbestigahan
MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon ang PNP Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AID-SOTF) sa Department of Justice (DOJ) na imbestigahan ang pagkakaroon ng wifi o internet connections, paggamit ng mga cellphone at iba pang modernong gadgets ng mga big-time drug lord at iba pang preso sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.
Sa pahayag ni PNP-AID-SOTF spokesman P/Chief Inspector Roque Merdeguia, isa ito sa mga karaniwang dahilan kaya malayang nakakagawa ng modus operandi ang mga drug lords at iba pang inmates sa nasabing piitan.
Kasabay nito, sinabi ng opisyal na dapat magpatupad ng malawakang pagbalasa ang DOJ sa mga opisyal at tiwaling tauhan ng NBP para matigil ang nasabing irregularidad.
Binigyang diin nito na kung magpapatupad ng pagbalasa ay dapat mula sa matataas nitong opisyal hanggang sa ibaba para matigil ang katiwalian sa NBP.
Isiniwalat din ni Merdeguia na sa mga nakalipas na operasyon ng PNP-AID-SOTF operatives, natukoy na sangkot ang ilang kawani ng Bureau of Corrections (BOC) sa pagbebenta ng iba’t ibang gadgets at mga cellphones sa mga inmates.
Sinasabing ang cellphone na nagkakahalaga lamang ng P750 sa merkado ay ibinebenta ng mga tiwaling kawani sa halagang P10,000 kaya tiba-tiba ang mga ito at hindi nakapagtataka kung bakit may mga cellphone ang mga preso na dapat ay ipinagbabawal.
Ayon pa kay Merdeguia na may mga laptop ang mga mayayamang preso kaya kontodo wifi at nakapagsasara ng transaksyon sa illegal na droga sa loob at labas ng kulungan.
Nabatid pa na mayroon ding signal jammer ang naturang mga preso sa kanilang mga detention cell. Sa katunayan, ayon pa sa opisyal sa isa nilang operasyon sa maximum security cell, walang signal ang kanilang cellphone at radio communication, pero ang mga presong drug lords ay malayang nakikipag-usap sa mga katransakyon sa labas ng kulungan gamit ang kanilang mga cellphone.
- Latest