3 holdaper bulagta sa shootout
MANILA, Philippines - Bulagta ang tatlong kalalakihang holdaper makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa bahagi ng Brgy. Lagro, Mindanao Avenue Ext. sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Kasalukuyang inaalam ang pagkakakilanlan sa tatlong napatay na may mga tattoo sa katawan.
Sa ulat ni PO2 Julius Raz, bago maganap ang shootout ay nagpanggap na mga pasahero ang tatlo saka sumakay sa Arnaiz taxi (TYD-554) na minamaneho ni Romeo Sualog sa panulukan ng Quezon Avenue at Roosevelt, Quezon City.
Gayon pa man, nagdeklara ng holdap ang tatlo saka nilimas ang P1,700 cash na kinita ni Sualog at ang kanyang cellphone.
Pinababa si Sualog pagsapit sa panulukan ng Banawe Street at La Loma Avenue saka kinomander ang taxi patungo sa hindi mabatid na direksyon.
Mabilis namang ipinaabot ni Sualog ang insidente sa pulisya kaya inilatag ang operasyon laban sa tatlo na lulan ng taxi.
Naispatan ng mga operatiba ng pulisya ang sinasakyang taxi kaya sinundan ito subalit nakatunog ang mga holdaper pagsapit sa Mindanao Avenue kaya sumiklab ang putukan hanggang sa bumulagta ang tatlo.
Narekober ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang tatlong baril at mga basyo ng bala maging ang taxi na kinumander.
- Latest