Lider ng robbery group, tiklo
MANILA, Philippines – Nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Northern Police District at Quezon City Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang hinihinalang lider ng isang robbery/gun for hire group sa ikinasang operasyon sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang nadakip na si Rolando Edio, alyas Lando, 44, residente ng Block 47 Lot 51 Phase C Dagat-Dagatan, ng naturang lungsod.
Sa ulat, isang operasyon ang ikinasa ng pulisya sa may Pamasawata St., C3 Road kung saan paboritong lugar ng panghoholdap ng grupo ni Edio.
Nakatunog umano ang mga holdaper sa presensya ng mga pulis kaya nagawang makatakbo ng mga ito.
Nakorner naman ng pulisya si Edio na hindi na nagawang makapanlaban sa mga nakapalibot na pulis. Nakumpiska rito ang isang kalibre .45 na baril na may anim na bala at isang granada.
Nabatid na ang operasyon ay resulta ng isang buwang intelligence Operations ng NPD at CIDG. Kabilang umano ang “Lando group” sa “priority target” sa Metro Manila. Sangkot ang grupo sa serye ng robbery hold-up sa Caloocan at Quezon City at sangkot din umano sa gun-for-hire activities.
- Latest