Mister tinodas habang nanonood ng laban ni Pacquiao
MANILA, Philippines – Utas ang isang mister matapos na barilin ng hindi pa nakikilalang suspek habang nanonood ng telebisyon sa laban ni Pambansang Kamao at Sarangani Rep. Manny ‘Pacman’ Pacquiao at American boxer Chris Algieri sa loob ng kanilang tahanan sa Marikina City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Senior Supt. Vincent Calanoga, hepe ng Marikina City Police ang biktima na si Anuwar Maso, 31, tubong Marawi City, at residente ng 43, Singkamas St., Barangay Tumana.
Si Maso ay nasawi dahil sa tama ng dalawang tama ng bala sa mukha.
Tinukoy naman ng ilang saksi ang suspek sa alyas Ali Kan, na umano’y madalas maglagi sa lugar at sinasabing sangkot din sa illegal na droga.
Si Ali Kan ay tinutugis na ngayon ng mga awtoridad.
Batay sa imbestigasyon ng Marikina City Police, nabatid na dakong alas-2:45 ng hapon nang maganap ang krimen sa loob ng tahanan ng biktima habang nanonood ito ng laban ni Pacquiao sa telebisyon.
Walang sabi-sabing binaril ng suspek ang biktima nang malapitan saka tumakas lulan ng motorsiklo.
Sinabi ni Calanoga na inaalam na nila kung posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang motibo ng krimen.
Patuloy ang malalimang imbestigasyon sa kaso.
- Latest