Hindi ‘zero crime’ sa laban ni Pacman vs Algieri - PNP
MANILA, Philippines – Apat na insidente ng krimen ang naitala ng Philippine National Police (PNP) sa boxing match ni Pambansang Kamao Manny ‘Pacman’ Pacquiao laban sa tinalo nitong American boxer na si Chris Algieri sa Cotai Arena, Macau, China kamakalawa.
Ito’y sa kabila ng mahabang panahon ‘zero crime rate’ ang naitatala ng PNP sa tuwing sumasabak sa laban ang Pinoy boxing icon na tila nagpapatigil ng mundo ng mga Pinoy.
Kapuna-puna naman na naging maluwag naman ang daloy ng trapiko sa mismong oras ng laban nina Pacman at Algieri.
Ayon kay Chief Supt. Wilben Mayor, Chief ng PNP Public Information Office, base sa tala ng National Operations Center ng PNP, mula alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon ay apat na insidente ng krimen ang naganap.
Inihayag ni Mayor na dalawang insidente ng barilan sa Marikina City at Eastern Samar ang nairekord, isa ang naitalang pananaksak at isa ang naiulat na natangayan ng sasakyan o nabiktima ng umatakeng carnapping gang sa Quezon City.
Samantalang hindi naman malinaw kung nangyari ang mga nabanggit na insidente ng krimen sa kainitan ng pagpapaulan ng suntok ni Pacman sa kaniyang tumatakbong kalabang si Algieri.
Sa nasabing boxing match ay napanatili ni Pacman ang pagiging kampeon nito matapos na biguin si Algieri na masungkit ang World Welterweight kung saan ilang beses na bumagsak sa ring ang American boxer.
- Latest