Pekeng enforcer tiklo
MANILA, Philippines - Kulungan ang binagsakan ng isang lalaki na nahuli sa akto na nagpapanggap na traffic enforcer at nangingikil umano sa mga tsuper ng pampasaherong jeepney sa Caloocan City.
Kasong “usurpation of authority at illegal possession of deadly weapon” ang isasampa kay Reymond Almodiente, 26, ng no. 1509 Sawata Area 1 Maypajo, Bgy. 39, ng naturang lungsod. Sa ulat, dakong alas-3 kamakalawa ng hapon nang matiyempuhan ni Paul Christian Victorio, 33, ng Department of Public Safety and Traffic Management ng Caloocan City Hall ang suspek na nakasuot ng kulay orange na uniporme ng kanilang opisina at namamara ng mga pampasaherong jeep sa may A. Mabini St., Maypajo, Brgy. 33, ng naturang lungsod.
Dahil sa hindi kilala, agad na tinawag ni Victorio ang mga kasamahan upang kumprontahin ang suspek. Ngunit nakahalata umano ito at nagtangkang tumakas kaya nagkaroon ng habulan hanggang sa masakote si Almodiente. Bukod sa pekeng uniporme, nakuha rin sa suspek ang isang pekeng DPSTM identification card at ang naturang balisong.
Bineripika naman ni DPSTM chief, Larry Castro na hindi niya tauhan si Almodiente. Agad na ipinasa ng DPSTM ang kustodiya sa Caloocan City Police at sinampahan ng kaukulang kaso. Ayon kay Castro, sangkot ang suspek sa puwersahang pamamara at pangingikil sa mga tsuper ng jeep sa pamamagitan ng paggawa ng imbentong mga bayolasyon sa batas trapiko.
- Latest