Lider ng gun-for-hire gang, arestado
MANILA, Philippines – Naaresto ng mga awtoridad ang notoryus na lider ng gun-for-hire gang na sangkot sa pagbebenta ng droga sa isinagawang operasyon sa lungsod ng Caloocan, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Spokesperson Chief Supt. Elizabeth Jasmin ang nasakoteng suspect na si Israel Nicolas.
Bandang alas-4 ng hapon, nang madakip ng pinagsanib na elemento ng National Capital Region Criminal Investigation and Detection Unit-Criminal Investigation and Detection Group (NCRCIDU-CIDG) operatives sa ilalim ng superbisyon ni Supt. Danilo Macerin at Caloocan City Police ang suspect.
Bago ang operasyon, sinabi ni Jasmin na nakatanggap sila ng impormasyon sa presensya ng wanted na si Dimalanta na armadong gumagala at nanggugulo sa Brgy. Maypajo, Caloocan City.
Agad namang nagresponde ang mga operatiba pero ng matugunan ito ng suspect ay mabilis itong nagtatakbo na humantong sa ilang minutong habulan.
Nasukol ang suspect na hindi na nakapalag matapos na posasan ng arresting team.
Nasamsam mula sa pag-iingat nito ang isang cal. 45 pistol na puno ng mga bala, isang granada at tatlong sachet ng shabu.
Kasalukuyan na ngayong humihimas ng rehas na bakal ang suspect na nahaharap sa kasong illegal possession of firearm and ammunition, paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 at illegal possession of explosives.
- Latest