Stude hulog sa bus, nasagasaan pa
MANILA, Philippines - Isang 18-anyos na estudyante ang nasawi makaraang mahulog at masagasaan pa ng isang pampasaherong bus sa Cubao, lungsod Quezon kahapon.
Sa ulat ni PO3 Perlito Datu ng Quezon City Police District-Traffic Sector 3, nakilala ang biktima na si Roberto Padirao, ng Block 1, Lot 18, Centerville, Brgy. Sto Cristo, San Jose Del Monte Bulacan.
Nasa kustodiya naman ng PS3 ang driver ng bus na si Nelson John Acera, 26.
Nangyari ang insidente sa Main Avenue, Cubao, Barangay Soccoro ganap na alas-7:45 ng umaga. Diumano, tinatahak ng Elena Liner bus na minamaneho ni Acera ang kahabaan ng EDSA north-bound, corner Boni Serrano Avenue, patungong Aurora Blvd., nang pagsapit sa naturang lugar ay akmang sasakay ang biktima.
Sinasabing habang papasakay ang biktima sa bus, partikular sa hulihang pinto nito nang bigla umanong umarangkada ang bus at mahulog ang una sa semento at masagasaan pa.
Nagawa pang maitakbo ang biktima sa East Avenue Medical center, subalit idineklara rin itong dead-on-arrival.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.
- Latest