4 na pulis MPD kinasuhan sa pagtatago ng shabu
MANILA, Philippines – Sinampahan na ng kaso ng Manila Police District (MPD) ang apat na pulis na nakuhanan ng shabu sa kanila-kanilang mga locker sa District Anti-Illegal Division noong nakaraang linggo.
Ayon kay Atty. Dennis Wagas, hepe ng District Legal Office ng MPD, paglabag sa R.A. 9165 ang isinampa laban sa mga pulis makaraang makuhanan ng mga shabu at paraphernalias habang ang kasong administratibo na serious neglect of duty ay sinampa naman laban sa tatlo pa.
Una nang itinanggi ng mga pulis na shabu ang nakuha sa kanila sa pagsasabing tawas lamang ang mga ito. Subalit lumilitaw sa crime laboratory na shabu ang nakuha sa locker ng apat na pulis. Nabatid na 12 personnel ng DAID ang sumailalim sa drug test habang tatlo naman ang tumanggi.
Matatandaang nasorpresa ang mga tauhan ng DAID nang pasukin ito ni MPD Acting Director Senior Supt. Rolando Nana bunsod na rin ng mga reklamo na ginagamit na “pambabangketa” ng mga pulis ang mga shabu, marijuana at valium na nakuha sa kanilang mga locker.
Dahil dito, sinibak sa puwesto ni Nana ang mga pulis ng DAID at itinalaga sa District Holding Center.
Idinagdag pa ni Wagas na wala dapat sa pangangalaga ng mga pulis ang mga shabu dahil nananatiling ebidensiya ang mga ito laban sa kanilang mga nahuli. Dapat aniya itong isinusumite sa crime lab.
- Latest