Police beat patrol sa Caloocan, ipapasailalim sa brgy. chairman
MANILA, Philippines – Mas pinalakas ng Caloocan City Peace and Order Council (POC) ang kapangyarihan ng mga chairman sa 188 barangay sa lungsod sa pagpapasailalim sa kanilang awtoridad ang mga police beat patrol na ikakalat ngayong papalapit ang Kapaskuhan.
Sa ginanap na POC Conference kamakalawa sa Caloocan Gazeebo Hall kasama ang mga chairman at mga kinatawan ng 188 barangay, inihayag ni Caloocan Police chief, Senior Supt. Bartolome Bustamante ang kanyang action plan na magtalaga ng tatlong shift ng beat patrol kada barangay at dalawa pang pulis na mananatili naman sa loob ng mga barangay halls.
Sinuportahan naman ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang aksyon ni Bustamante makaraang sabihin na mas epektibong malalabanan ang mga kriminal at mapapababa ang antas ng krimen kung magkatuwang ang mga pulis at tauhan ng barangay sa patrulya.
Nasa 70 tauhan ng Caloocan Police ang itatalaga sa bawat Police Community Precinct na ilalagay naman sa bawat barangay. May tatlong PCP sa Caloocan South habang apat na PCP naman sa mas malaking Caloocan North.
Importante umano na maging pamilyar sa mga beat patrol police ang itatalaga sa kanilang lugar sa pakikipagtulungan ng mga barangay tanod. Upang mas epektibong maipatupad umano ang pagpapatrulya, inihayag din ni Malapitan sa mga barangay chairman na nasa 21 bagong Toyota Vios patrol cars ang nakatakdang idagdag ng pamahalaang lungsod para magamit sa pagpapatrulya.
- Latest