QC fire: Mag-ina patay
MANILA, Philippines – Isang mag-ina ang iniulat na nasawi habang isang fire volunteer ang nasugatan sa sunog na lumamon sa may 25 kabahayan sa may Brgy. Valencia lungsod Quezon, kahapon.
Ayon kay Supt. Jesus Fernandez, city fire marshal sa lungsod, ang mga nasawi ay kinilalang sina Evangeline Trinidad, 43; at Maria Cresencia Trinidad, 72, na narekober sa ikalawang palapag ng kanilang bahay sa Valencia St., ng naturang barangay.
Ang mga nasabing biktima ay natagpuan sa ikalawang palapag ng kanilang bahay habang isinasagawa ang clearing operations matapos maapula ang sunog. Katabi lang anya ang bahay ng mga Trinidad sa bahay ni Elisa Ramos, 52, kung saan nagsimula ang nasabing apoy.
Nagsimula ang sunog, ganap na alas- 11:08 ng umaga kung saan dahil gawa lamang sa light materials ang mga tahanan ay agad na kumalat ang apoy at nadamay ang mga magka-katabing bahay dito.
Isang Glen Tenefrancia, 18, fire volunteer ng Blue Eagle fire station ang nasugatan habang inaapula ang naglalagablab na apoy, ayon pa kay Fernandez. Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog na tuluyang naapula ang sunog, ganap na alas-12:25 ng tanghali.
Sa ginawang clearing operation ay natuklasan ang nasabing mag-ina sa nasabing lugar. Pinaniniwalaang na-trap ang biktima sa loob ng kanilang bahay .
Tinatayang aabot sa 50 pamilya ang nawalan ng tirahan habang nasa P.5 milyong halaga naman ang pinsala sa nasabing sunog. Inaalam pa ang tunay na dahilan ng sunog.
- Latest