Kasong administratibo isinampa laban sa 3 holdaper na pulis
MANILA, Philippines – Ipinagharap na ng kasong administratibo ang tatlong pulis na nangholdap sa isang messenger na kanilang natangayan ng isang P1-milyong piso sa Pasay City kamakailan.
Ang kaso ay iniakyat na sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na naglalayong tuluyang masibak sa serbisyo ng tatlong holdaper na pulis.
Sinabi ni Southern Police District (SPD) Director Chief Supt. Henry Ranola, na ipinadala na nila ang rekomendasyon sa NCRPO para kasuhan ng grave misconduct sina PO2 John Mark Manguera, 33; PO1 Ronald Villanueva, 33; at PO1 Noli Tiu Soliman, 33, na pawang nakatalaga sa Central Park Police Community Precinct (PCP) 5 sa Pasay City.
Una na ring kinasuhan ng criminal case ang tatlo kung saan ay pinaglagak sila ni Pasay City Assistant Prosecutors Marissa Ednaco ng tig-P100,000 piyansan para sa kanilang pansamantalang paglaya.
Ayon kay Ranola, kahit nakapaglagak na ng piyansa ang tatlong pulis ay pansamantala silang mananatili sa kustodiya ng District Holding Office ng SPD habang hinihintay ang summary hearing laban sa mga suspek.
Habang si Alexander Pantoja ay nakapagpiyansan na rin kamakalawa ng P100,000 habang ang kasama nitong si Limuel Camposagrado ay nanatili pa rin nakakulong sa tanggapan ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Pasay City Police.
Base sa rekord ng pulisya, hinoldap ng mga suspek noong Nobyembre 6, 2014 ang biktimang si Jeffrey Rabe, 24, binata, messenger ng Senubi Travel and Tour Company.
- Latest