Bangkay itinapon sa basurahan
MANILA, Philippines – Bangkay ng isang hindi pa nakikilalang babae ang natagpuang patay sa tambak ng mga basura sa Pasig City kahapon ng madaling-araw.
Inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima na inilarawang may taas na 5’1’’-5’3’’, katamtaman ang pangangatawan, kayumanggi, nakasuot ng kupas na maong na short, kulay itim na sando at kulay pulang jacket na may marking na “Polo Sport Extreme”.
Mayroon din itong tattoo sa kanyang magkabilang hita na tribal and flaming ball design.
Batay sa imbestigasyon ng Pasig City Police, dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang makatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa pagkakatagpo ng nasabing bangkay sa tambak ng mga basura sa Reynoso Compound sa Barangay Maybunga, Pasig City.
Isang Richard Rosa, 34, binata, residente ng Tambakan, M. Suarez St., ang nakadiskubre sa bangkay, habang nangangalakal ito ng mga mapapakinabangang basura.
Namataan umano ni Rosa ang isang kulay itim na garbage plastic bag, na kaagad niyang binuksan sa pag-aakalang may mapapakinabangan siyang kalakal.
Gayunman, nang buksan ni Rosa ang plastic bag ay tumambad sa kanya ang bangkay ng biktima, nakabalot sa kulay pulang kumot.
Nang buksan ang kumot ay nakabalot pa ng packing tape ang buong katawan ng biktima at nakagapos ng nylon cord ang mga braso nito.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima, gayundin ng may kagagawan sa krimen at kung ano ang motibo nito.
- Latest