2,500 pamilya nawalan ng bahay lalaki tupok sa sunog
MANILA, Philippines – Patay ang isang hindi pa nakikilalang lalaki sa sunog na tumupok sa mga bahay sa Parola Compound sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Fire Supt. Jaime Ramirez, fire marshall ng Bureau of Fire Protection (BFP) Manila, natagpuan nila ang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki sa gitnang bahagi ng mga nasunog na bahay.Nadiskubre lang ito nang magliwanag.
Dakong ala-1:23 ng madaling-araw nang sumiklab ang sunog na umabot pa sa general alarm kaya’t dumagsa rin ang mga fire volunteers sa lugar.
Sinabi ni Ramirez na tinatayang nasa 2,500 pamilya o aabot sa 5,000 hanggang 7,000 residente ang apektado ng sunog. Nasa P6.5 milyon naman ang halaga ng natupok na ari-arian.
Pinaghihinalaang electrical overload ang sanhi ng sunog mula sa isang lamay sa bahay ng isang alyas Steve sa Area 18 at nadamay ang mga kabahayan sa Area 19 hanggang area 20 sa Parola Compound sa Tondo.
Tumagal ng mahigit anim na oras, nang ideklarang fire-out dakong 7:37 ng umaga, at saka isinagawa ang clearing operation.
Dinala muna sa Delpan evacuation center ang mga apektadong residente ngunit hanggang 800 pamilya lang ang kaya nito kaya pinag-aaralan nang buksan ang Baseco evacuation center.
Inatasan naman ni Manila Mayor Joseph Estrada ang Manila Social Welfare Department na bigyan ng supply ng makakain ang mga apektadong residente.
- Latest