Killer ng salon manager at taxi driver, arestado
MANILA, Philippines - Nalambat na ng mga opertiba ng pulisya ang pangunahing suspect sa magkasunod na pagpatay sa isang salon manager at taxi driver sa Fairview, Quezon City, ayon sa ulat kahapon. Kinilala ni QCPD Director P/Senior Supt. Joel Pagdilao ang suspect na si Larry Benuya, 38, bodyguard at residente sa Brgy. Minabuyok Talavera, Nueva Ecija.
Si Benuya ay nagtago sa imburnal sa Casa Milan Subd., Brgy. Greater Lagro sa loob ng dalawang araw kung saan ito nadakip ng tropa ng Fairview Police Station 5, kahapon ng umaga. Sinasabing nakatanggap ng tawag sa telepono ang PS5 mula sa security guard ng nasabing subdibisyon kaugnay sa presensya ng lalaking nasa loob ng imburnal. Narekober sa suspek ang cal. 45 pistol, magazine at cellphone.
Sa tala ng pulisya, pinagbabaril ng suspect ang hair stylist at salon manager na si Jake Gasper noong November 12, 2014, sa loob ng salon na nasa Crystal Bldg., Quirino Highway, Brgy. Pasong Putik. Si Gasper na unang inireport na pangalan ay si Brioso Toqueron ay binaril ng suspect na nagkunwaring kustomer habang nakikipag-usap sa mga kawani ng salon. Tumakas ang suspect sakay ng pampasaherong bus pero agad ding bumaba ilang metro pa lang ang layo. Tinangkang parahin ang taxi ni Norberto Espiritu Jr., pero tumanggi ang huli na isakay kaya binaril din ito saka tumakas. (Ricky Tulipat)
- Latest