Tsinap-chop na bangkay isinilid sa maleta
MANILA, Philippines - Natagpuan ang tsinap-chop na bangkay na nakasilid sa loob ng maleta matapos itong itapon ng dalawang di-kilalang babae na nakasakay ng taxi kahapon ng madaling-araw sa panulukan ng Jacobo Street sa Brgy. Poblacion, Makati City.
Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan at kasarian kung babae ba o lalaki ang bangkay na natagpuan.
Sa imbestigasyon ni PO3 Ronaldo Villaranda ng Station Investigation and Detective Management Branch, Makati City PNP, bandang alas-4:30 ng hapon nang matagpuan ng mga barangay tanod ang malaking maleta na sinasabing iniwan ng dalawang di-kilalang babae.
Gayun pa man, inusisa ng mga tanod ang laman ng maleta kung saan tumambad sa kanila ang nangangamoy na bangkay na nakabalot sa plastic na pinatungan pa ng bed sheet bago muling ibinalot sa plastik.
Nabatid na tinakpan pa ng mga damit, binudburan ng mga uling hanggang sa pinagkasyang ilagay sa maleta ang bangkay.
May hinala ang pulisya, na ilang buwan na rin itong patay kung saan natagpuan naman ng mga operatiba ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang isang calling card na may cellphone at landline numbers ngunit hindi naman ito matawagan.?
Ang bangkay ay nakalagak ngayon sa Veronica Funeral Parlor para isailalim sa autopsy at inaalam na ng pulisya kung may nakakabit na CCTV sa naturang lugar para matukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang babae. (Lordeth Bonilla)
- Latest