6 na dayuhan pinakakasuhan sa mega shabu lab
MANILA, Philippines – Matapos na makitaan ng probable cause, inutos ng Department of Justice ang pagsasampa ng kaso laban sa anim na dayuhan na inaresto sa ginawang pagsalakay ng National Bureau of Investigation sa isang mega shabu laboratory sa Camiling, Tarlac, kamakailan. Ito naman ang nabatid mula kay Prosecutor General Claro Arellano kung saan sinabi nito na nakitaan ng probable cause ang reklamong isinampa ng NBI laban sa mga Chinese national. Paglabag sa Section 8 at 11 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act o Republic Act 9165 na may kinalaman sa pag-manufacture at possession ng iligal na droga ang reklamong inirekomendang isampa laban sa mga respondent. Ito ay batay na rin sa inquest resolution na pirmado ni Asst. State Prosecutor Mark Roland Estepa na aprubado ni Arellano. Kasama sa mga pinasasampahan ng reklamo sina Sand Chai Wang, Xia Jian Jun, Xu Jian Dong, Hueng Zhogjie, Wang Xiao Bing, at Zhan Zhi Long. Ayon kay Arellano, non-bailable o walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng mga dinakip na dayuhan.
- Latest