MMDA tutok na sa Kapaskuhan
MANILA, Philippines – Nakatutok na ngayon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagbibigay ng solusyon sa inaasahang mas matinding pagbibigat ng daloy ng trapiko sa Kamaynilaan ngayong papalapit na ang Kapaskuhan.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na inaasahan niyang matatapos na ang mga ginagawang “re-blocking” ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagpasok ng Disyembre kung kailan kailangang magpatupad rin sila ng “moratorium” sa lahat ng konstruksyon sa mga kalsada.
Kabilang sa palalakasin ng MMDA ang pag-engganyo sa mga mananakay partikular na sa mga nais mamili ng panregalo sa Divisoria o Binondo na gamitin ang MMDA Ferry System upang makaiwas sa mabigat na daloy ng trapiko.
Plano ng ahensya na paagahin ang oras ng operasyon at mag-extend sa hapon upang mas maraming pasahero ang mapagsilbihan. Kasalukuyang nag-uumpisa ang operasyon ng ferry system mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.
Kasalukuyang nasa 12 na umano ang mga bapor na kanilang ginagamit sa operasyon na posibleng mapadagdagan pa nila kung kinakailangan.
“Nakikita kong bibigyan ng sigla ang Pasig River Ferry dahil ngayon lang ito mapapasabak ng Pasko. Iyong ruta natin na Guadalupe-Escolta sa Maynila ay napakalapit na sa Divisoria at Binondo,” ani Tolentino.
Bukod dito, maaari ring makabisita para sa Simbang Gabi ang publiko gamit ang ferry system sa Sta. Cruz church, Quiapo Church, Blessed Lorenzo Ruiz church sa Binondo at Sta. Ana church.
- Latest