2 parak, 2 kasabwat huli sa P1.2-M holdap
MANILA, Philippines - Arestado ang apat na kalalakihan kabilang ang dalawang bagitong pulis habang isa pa nilang kabaro ang pinaghahanap matapos holdapin ng mga ito ang isang mensahero na may dalang P1.2 million cash na nakatakdang i-deposit ng huli sa isang banko, kahapon sa Pasay City.
Nakakulong ngayon sa Pasay City Police detention cell ang mga suspek na sina PO1 Ronald Villanueva, 33; PO1 Alas Noli Tiu Soliman, 33, kapwa nakatalaga sa Central Park Police Community Precinct (PCP) 5 ng Pasay City Police; Limuel Camposagrado, 28; at Alexander Pantoja, 32. Pinaghahanap pa ang isa pang suspek na si PO2 John Mark Manguera.
Samantala, kinilala naman ang naging biktima na si Jeffrey Rabe, 24, messenger ng Senubi Travel and Tour Company.
Sa isinumiteng report ni Senior Supt. Melchor Reyes, hepe ng Pasay City Police kay Chief Supt. Henry Ranola Jr., Officer-In-Charge ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente alas-4:30 kamakalawa ng hapon sa kahabaan ng Macapagal Boulevard sa panulukan ng Gil Puyat Avenue sa nasabing lungsod.
Kasalukuyang lulan ng isang motorsiklo ang biktimang si Rabe dala itong halagang P1.2 milyon cash upang i-deposit sa isang banko at habang binabagtas nito ang naturang lugar ay hinarang siya ng dalawang lalaki na magka-angkas sa isang motorsiklo at tinutukan saka sapilitang kinuha sa kanya ang dalang bag ng pera.
Sa isinagawang follow-up operation ng mga pulis naaresto sina Camposagrado at Pantoja sa kanilang bahay sa Brgy. San Francisco, General Trias, Cavite alas-5:30 ng hapon.
Nakumpiska kay Pantoja ang isang kalibre .9mm na baril na ginamit ng mga ito sa panghoholdap. Pagdating sa himpilan ng Pasay City Police, nang berepikahin, nabatid na ang baril na nakumpiska ay pag-aari ni PO1 Villanueva.
Dito na inginuso nina Camposagrado at Pantoja ang tatlong pulis na kanilang kasabwat.
Sa patuloy na follow-up operation ng mga kagawad ng Pasay City Police, ala-1:00 kahapon ng madaling-araw nadakip sina PO1s Villanueva at Soliman sa Cavite at si Manguera naman ay ikinanta rin ng mga ito na kanilang kasabwat, na hanggang sa ngayon ay nakakalaya pa.
Nakumpiska ng mga pulis kay Villanueva ang P349,000.
Nakatakdang sampahan ng kasong robbery at paglabag sa Republic Act 10591 o illegal possession of firearms ang naturang mga suspek sa Pasay City Prosecutor’s Office.
- Latest