Dumukot, nangmolestiya sa 2 estudyante sa Makati, tugis
MANILA, Philippines - Bumuo na ng composite team ang pamunuan ng Makati City police para tugisin ang grupo ng mga kalalakihan na sangkot sa umano’y pagdukot at pangmomolestiya sa dalawang estudyante, kamakailan.
Sa panayam kahapon kay Senior Supt. Ernesto Barlam, hepe ng Makati City Police, na noong Miyerkules ay nagreklamo na sa tanggapan ng Makati City Police, Women’s and Children Desk Protection ang umano’y 14-anyos na dalagitang high school student na sinasabing dinukot at minolestiya noong Lunes (Nov 3), alas-10:00 ng umaga malapit umano sa paaralan nito sa Makati High School sa Barangay Poblacion ng naturang lungsod ng isang grupo ng kalalakihan na pawang nakasakay sa isang hindi pa batid na sasakyan.
Ayon sa biktima nakatakas lamang siya sa mga suspek nang magpakarga ng gasolina sa may J.P. Rizal, Makati City na dito siya nakatiyempo para makatakbo.
Samantala, nagreklamo na rin sa naturang tanggapan ang isa pang 21-anyos na estudyante matapos din siyang dukutin at pagsamantalahan umano ng apat na kalalakihan sa EDSA, Magallanes Interchange ng naturang lungsod noong Setyembre 30 ng taong kasalukuyan hanggang sa matagpuan ito ng isang mag-ina sa Malolos, Bulacan.
Ayon sa biktima, alas-6:30 ng gabi, pauwi na siya galing eskwelahan habang naglalakad nang mapansin niyang may van na mabagal ang takbo at nakasunod sa kaniya.
Nang tumapat umano sa kanya ang van na ‘for registration ang plaka ay hinablot na lamang ang kanyang dalang bag at saka siya hinatak papasok ng loob ng van ng tatlong lalaking pawang naka-bonnet.
Ayon sa Makati City Police, nakikipag-ugnayan na rin sila sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil posibleng may CCTV sa naturang lugar na maaaring nakuhanan ang insidente.
- Latest