Sa nabalam na allowance mga guro, lumusob sa QC hall
MANILA, Philippines - Daang mga guro na kasapi ng Quezon City Public School Teachers Association ang lumusob sa harap ng city hall para kondenahin ang anila’y 3 buwang allowance na hindi na naibigay sa kanila ng lokal na pamahalaan.
Hindi pa man nagtatagal sa kanilang protesta ay personal na silang hinarap ni City Administrator Aldrin Cuña at mismong sinabi nito sa mga guro na matatanggap naman nila ang kanilang allowance kasabay nang pagsasabing nagkaroon lamang ng delay dahil sa pagpapalit nila ng banko kayat nag-iba ang sistema sa paglalabas ng pondo.
Nabatid na umaabot sa P2,400 ang monthly allowance ng mga public school teachers sa lungsod.
Nilinaw pa ng city administrator na dati ay sa Land Bank kinukuha ng mga guro ang kanilang allowance mula sa city hall subalit sa ngayon ay sa Globe BPI na lang, dahilan kayat nagkaroon ng pagbabago sa sistema ng issuance ng pondo.
Sa kanilang panig, sinabi ni Luzviminda de Vera, board of division ng QC Public School Teacher Association, handa naman silang maghintay basta’t may aasahan lamang sila bago mag-Pasko.
Sinasabing noong una ay pinagbawalan ng COA na bigyan ng allowance ng QC government ang mga public school teachers kaya gumawa ng ordinansa ang lokal na pamahalaan kaya napaglaanan ng allowance ang naturang mga guro.
- Latest