Paggunita ng Undas sa QC, naging maayos
MANILA, Philippines - Matahimik at maayos na ginunita ang Undas kahapon, November 1 sa mga sementeryo sa Quezon City.
Bagamat tirik ang sikat ng araw, dumagsa ang bilang ng mga tao sa mga tatlong public cemeteries sa Bagbag, Novaliches at Baesa cemetery, gayundin sa apat na private cemeteries sa Eternal Gardens Memorial Park sa Barangay Balumbato; Himlayang Pilipino sa Barangay Tandang Sora; Holy Cross Memorial Park sa Barangay San Bartolome at sa Recuerdo Memorial Gardens sa kahabaan ng Litex Road sa Barangay Commonwealth.
Patuloy na nakaantabay sa mga entry points ang mga elemento ng Department of Public Order and Safety (DPOS) ng QC hall upang magmentina sa kaayusan ng daloy ng trapiko doon.
Sinabi naman ni DPOS traffic operations head Dexter Cardenas na naglagay sila ng mga traffic enforcers sa mga city boundaries na malapit sa sementeryo tulad sa San Juan Cemetery at sa Manila North Cemetery.
Kasama ng DPOS ang mga tauhan ng barangay public safety office para ayudahan ang publiko sa paggunita ng Undas.
Bukas naman, Nobyembre 3 ay may 120 volunteers ng EPWMD’s riverways clearing operations group ang naatasang maglinis sa mga iiwang basura sa mga sementeryo. (Angie dela Cruz)
- Latest