Bata sinampal ng tanod, nabawasan ang pandinig
MANILA, Philippines – Nabawasan ang pandinig ng isang 10-anyos na batang lalaki makaraang sampalin sa tenga ng isang barangay tanod sa Caloocan City.
Sinampahan na ng kasong child abuse sa Caloocan City Prosecutor’s Office ang suspek na si Randy Ong, 34, tanod ng Brgy. 1, sa naturang lungsod kaugnay sa pananakit sa paslit.
Dumulog din kahapon ang ina ng biktima na si Maribeth Uy kay Caloocan City Mayor Oscar Malapitan upang magpasaklolo.
Nangako naman ang alkalde na kakausapin si Brgy. 1 Chairman Cornelio Borja upang bigyan ng karampatang disiplina ang kanyang tauhan at kung maaari ay matanggal bilang tanod.
Ipinaliwanag ng alkalde na hindi sakop ng kanilang awtoridad ang mga barangay tanod na binigyan ng awtorisasyon ng mga kapitan ng barangay kaya hindi nila basta-basta matatanggal ito sa tungkulin.
Sa salaysay ng bata, naglalaro siya at mga kapwa bata ng basketbol noong Oktubre 1 sa covered court ng barangay nang aksidenteng matamaan ng braso ang anak ni Ong. Galit na kinompronta umano ni Ong ang biktima at sinampal sa kaliwang tenga.
Namaga ang tenga ng bata at nang ipatingin sa doktor ay natuklasan na 4% ng pandinig ng paslit ang tuluyang nawala.
- Latest