5 ektaryang lupain sa Taguig, ilalaan sa agri-tourism
MANILA, Philippines - Sinimulan na ng pamahalaang lungsod ng Taguig City ang pagtaguyod sa konsepto ng urban farming sa pamamagitan nang paglalaan ng limang ektaryang lupain, na sakop ng dalawang barangay para sa agri-tourism project.
Ito’y kasunod na rin nang inilunsad na 800-sqm. urban demo farm nito noong Lunes, Oct. 20 sa Tipas Elementary School kung saan ipinakita ang isang gulayan at kongkretong alagaan ng tilapia at hito.
“Kami po ay nasasabik nang gawin ang proyektong ito dahil tugma ito sa aming paniniwalang ang Taguig ay totoong isang ‘Probinsyudad’ lalo’t mayroon pang mga magsasaka rito. At umaasa po kaming magiging maginhawa sa pakiramdam at makabubuti sa kalusugan ang paglalaan ng oras sa mga gawain sa isang urban farm setting,” sabi ni Mayor Lani Cayetano.
Sinabi ni Mayor Lani na hangad ng pamahalaang lungsod maging hanapbuhay ang agri-tourism kung ang bawat bahay ay magkakaroon ng sariling gulayan at iba pang produkto na maaaring ipagbili.
Bukod dito, ay magiging paraan din ito para makaakit ng mga turista tulad nang pagkakaroon ng organic food market, pag-ani ng prutas at pagpapakain sa mga hayop.
Sa panig ni Bureau of Animal Industry Acting Director Rubina O. Cresencio, pinuri nito at sinabing napapanahon ang isinusulong na programa ng Taguig City.
“Ang development ng Laguna Lake kasama na ang Taguig Urban Farm ay lubos na sinusuportahan ng Department of Agriculture. Sa pamamagitan nito ay mapatutunayan nating ang Urban Agriculture ay magtatagumpay sa Metro Manila.” pahayag pa ni Cresencio.
Bukod sa urban farm, muling bubuhayin ng lungsod ang industriya ng pag-iitikan.
- Latest